Walang planong makiisa ang tinaguriang Magnificent 7 na transport group sa ikinakasang tigil pasada ng grupong Pinagkaisahang Samahan ng Transportasyon at Operators Nationwide o PISTON.
Ayon kay Orlando Marquez, Pangulo ng Liga ng Transportasyon at Operators sa Pilipinas o LTOP, hindi nila suportado ang tigil pasada dahil lagi namang bukas ang pintuan ng Department of Transportation (DOTr) kaugnay sa kanilang mga hinaing.
Isa kasi sa dahilan ng PISTON sa kanilang kilos protesta ay dahil sa kawalan umano ng pagtugon ng DOTr sa kahilingan nila na buwagin ang PUV modernization program.
Katwiran nila, papatayin nito ang mga tsuper at operators, lalo pa at walang sapat na kakayahan na bumili ng mga bagong jeepney.
Sabi ni Marquez, pinanghahawakan nila ang kasunduan ng kanilang grupo sa DOTr na walang ipe-phase out na jeepney.
Nais lamang ng DOTr na magkaroon ng consolidated o pagsasama-sama ng transport group, para makapagtayo ng kooperatiba na siyang gagawing tulay para makatulong ang gobyerno sa transport sector. | ulat ni Michael Rogas