Umabot sa 4,276 na mga pasyente sa buong bansa ang naserbisyuhan ng Emergency Medical Services (EMS) teams ng Philippine Red Cross (PRC), sa paggunita ng Undas 2023.
Sa bilang na ito, walo ang dinala sa medical facilities. Kabilang sa mga sakit na kinailangang bigyan ng atensyon medikal ay pagkahilo, panghihina ng katawan, pagsusuka, bali sa paa, seizure, at pasa sa noo.
Ayon kay PRC Chairperson at CEO Richard Gordon, layon ng organisasyon na makapagsagip ng buhay. Kaya ang pagde-deploy ng kanilang emergency medical teams ay bahagi ng commitment ng PRC na isulong ang kaligtasan sa buong bansa.
Nagpasalamat naman si Gordon sa kanilang emergency medical teams na nagbigay ng serbisyo sa publiko sa paggunita ng Undas.
Mahigit 1,800 na mga personnel, 300 first aid stations habang 80 ambulance units, pitong emergency vehicles, at pati na foot patrol at roving units ang ipinakalat ng PRC sa iba’t ibang sementeryo sa buong bansa. | ulat ni Diane Lear