Nagpatawag na ng pulong ang pamahalaang lungsod ng Malabon para paghandaan ang bantang tatlong araw na tigil pasada ng grupong Piston simula sa Lunes.
Tinalakay sa pulong na pinangungunahan ni Malabon City Public Safety and Traffic Management Office
(PSTMO) Chief PCol. Reynaldo Medina Jr. ang mga gagawing hakbang ng bawat opisina ng pamahalaang lungsod.
Tiniyak ng LGU sa publiko na magbibigay ito ng libreng sakay sa mga maaapektuhang commuter sa Nobyembre 20- 22.
Naghayag din ng kahandaan sa tigil pasada ang pulisya ng Malabon at Bureau of Fire Protection.
Siniguro din ng MAJETSCO o Malabon Jeepney Transport Service Cooperative at TODA PODA na magpapatuloy ang kanilang biyahe sa lungsod at hindi susuportahan ang tigil pasada ng Piston.
Maglulunsad ng tigil pasada ang Piston, bilang pagtutol sa nalalapit na deadline para bumuo ng kooperatiba sa ilalim ng PUV modernization program. | ulat ni Rey Ferrer