Pinakakasuhan ng Manila Economic and Cultural Office (MECO) ang placement operator na naningil ng malaking halaga sa Filipino students na sumailalim sa Taiwan government scholarship program.
Ayon kay MECO Chairperson Silvestre Bello III, hiniling na nito sa Department of Migrant Workers (DMW) na ilagay sa blacklist ang JS Contractor.
Dagdag pa ni Bello na ang naturang recruitment agency kasi ay naningil ng ₱45,000 kada isa sa 32 Pinoy scholars na dumating sa Taipei noong November 2.
Ang naturang halaga ay para raw sa air fare, visa, PDOS, at Overseas Employment Certificate ng mga estudyanteng Pinoy.
Iginiit pa ni Bello na ang mga estudyante ay hindi nangangailangan ng OEC, at hindi nila kailangang sumailalim sa Pre-Departure Orientation Seminar (PDOS) dahil hindi naman sila OFWs.
Ang dapat lamang aniyang gastusin ng Pinoy scholars ay ₱10,000 para sa one way ticket at ₱2,400 para sa student visa. | ulat ni AJ Ignacio