Sumalang na sa pagtalakay ng House Committee on Legislative Franchises ang panawagan ni Laguna Rep. Dan Fernandez na repasuhin ang prangkisa ng Meralco dahil sa aniya’y monopoly at monopsony.
Sa pagdinig, nausisa ni Caloocan Rep. Dean Asistio ang Meralco kung bakit kailangang maging may-ari din ng isang genco (generation company) ang Meralco na isa aniyang conflict of interest.
Tugon naman dito ni Meralco Head of Utility Economics Lawrence Fernandez, ang pagbili ng distribution utilities (DU) tulad ng Meralco ng kuryente sa mga generation company ay sumasailalim sa mahigpit na regulasyon na inilatag ng Department of Energy.
Tumatalima aniya sila sa itinakta nito na dapat ay dumaan sila sa competitive selection process.
Sinusunod din aniya nila ang implementing guidelines na inilabas naman ng Energy Regulatory Commission (ERC) kaugnay dito.
“Yung sa pagbili naman po ng distribution utilities (DU) tulad ng Meralco ng kuryente from generators, yun naman po ay very strictly regulated. Sa ngayon sumusunod kami sa CSP policy po ng Department of Energy na sinasabing lahat po ng power supply agreements (PSA) na papasukin ng isang [DU] ay dapat dumaan po ng competitive selection process…Ngayon po na binago ng DOE ang kanyang policy, ang implementing guidelines ay galing ngayon sa Energy Regulatory Commission. So kami po ay susunod sa implementing guidelines ng ERC,” paliwanag ni Fernandez.
Dagdag pa nito na kailangan nilang dumaan sa mahigpit na bidding.
Katunayan noon aniyang 2020, isa sa kanilang affiliated company ang sumali sa bidding pero natalo ito.
Pinabulaanan din ni Fernandez na binibigyan nila ng priority ang isang genco para makabenta ng kanilang produkto sa Meralco kapalit ng equity share.| ulat ni Kathleen Jean Forbes