Kasunod ng ilang akusasyon ni Santa Rosa City Representative Dan Fernandez laban sa Manila Electric Company (Meralco), naglabas ito ng pahayag upang bigyang linaw ang ilang issue kabilang na ang umano’y mataas na capital cost ng Meralco na umano’y ipinapasa sa mga consumer.
Sinabi ni Meralco Vice President at Head of Corporate Communications Joe Zaldarriaga, na wala aniyang kontrol ang Meralco sa pagdetermina ng Weighted Average Cost of Capital o WACC dahil ito ay isang regulatory function.
Itinanggi rin ni Zaldarriaga na hindi kino-control ng Meralco ang 70% ng kuryente sa Luzon, partikular na sa Calabarzon. Marami aniyang mga electric cooperative at mga distribution utility sa rehiyon na nagbibigay ng suplay ng kuryente roon.
Pinasinungalingan din ng Meralco ang akusasyon na kinokontrol aniya nila ang Pampanga, anila ilang mga barangay lang sa lalawigan ang sinusuplayan ng kuryente ng Meralco.
Binigyang-diin din ni Zaldarriaga, na sumusunod ang Meralco sa lahat ng government regulations partikular na sa mga direktiba ng Energy Regulatory Commission (ERC).
Matatandaang sa kaniyang privilege speech, sinabi ni Rep. Fernandez na nakikipagsabwatan umano ang ERC at Meralco upang mas kumita. | ulat ni Diane Lear