Itinuturing ng PDEA na transshipment point ng iligal na droga ang Mexico, Pampanga.
Ito ay ayon kay PDEA Regional Director Ronald Allan Ricardo nang mausisa ng mga mambabatas sa motu proprio inquiry ng House Committee on Dangerous Drugs kung bakit tila sa Mexico nasasabat ang malalaking halaga ng droga.
Aniya, hindi naman sa Mexico ibinabagsak ang naturang mga droga ngunit nagkakataon na doon nahuhuli dahil doon ang ruta o daanan.
“Mexico is a transshipment point po siya. So more likely yung mga nakukuha po nating drugs is nagkakataon na… doon po nahuhuli yung ibang drugs but not necessarily intended for the place.” paliwanag ni Ricardo.
Matatandaan na nitong September 24 ay nasabat ang 536 kilos ng shabu sa isang warehouse sa naturang bayan.
Habang mayroon ding P408 million na halaga ng droga ang nahuli noong kaparehong buwan sa Lakeshore Pampanga sa isang buy-bust operation.
Ayon naman sa Philippine National Police Drug Enforcement Group (PDEG) 76 sa 505 na barangay pa sa Pampanga ang kailangan linisin sa impluwensya ng iligal na droga at may tinatayang 1,000 pang drug personalities sa probinsya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes