Iginiit ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. pa rin susunod ang mga ahensya ng gobyerno kung papayagan ng bansa ang International Criminal Court (ICC) na imbestigahan ang war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Ito ang tugon ni Dela Rosa sa inihaing resolusyon sa Kamara na nananawagan sa mga ahensya ng gobyerno na makipagtulungan sa ICC investigation.
Ayon kay Senator Bato, maaprubahan man ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang resolusyong ito ay mananatili lang itong resolusyon hangga’t hindi aaktong pabor si Pangulong Marcos dito.
Ipinunto ng senador na una nang klinaro ng Punong Ehekutibo ang kanyang desisyon na huwag pahintulutan ang ICC na manghimasok sa soberenya ng Pilipinas.
Binigyang-diin ni Dela Rosa na hindi naman sa Kongreso kumukuha ng utos ang mga ahensya ng gobyerno, kundi sa Presidente ng Pilipinas.
“If that resolution is approved by the House of Representatives, it will remain a resolution unless acted upon favorably by the President who has made clear of his decision not to allow ICC to intrude our sovereignty. These government agencies are taking orders from the President and not from Congress,” paliwanag ni Dela Rosa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion