Mga bagong halal na opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan, hinimok na tumulong para mabakunahan ang mga bata

Facebook
Twitter
LinkedIn

Hinamon ni AnaKalusugan Party-list Representative Ray Reyes ang mga bagong halal na opisyal ng Barangay at Sangguniang Kabataan na tumulong na palakasin ang immunization program ng pamahalaan lalo na sa mga bata.

Tinukoy nito ang datos ng Department of Health (DOH) kung saan mula 2019 hanggang 2022 ay bumaba ang vaccine coverage sa mga kabataan.

Mula aniya sa 69.08 percent ng kabuuang fully immunized na children (FIC) noong 2019 ay bumaba ito sa 65.18 percent noong 2020 at naging 62.86 percent na lang sa 2021.

Habang sa taong 2022 bumaba pa ito sa 53.6 percent.

“Ang hamon natin sa ating mga bagong halal na barangay at SK officials ay umaksyon para muli nating mapataas ang bilang ng mga bakunadong bata sa ating mga komunidad,” sabi ni Reyes.

Ani Reyes malaki ang maitutulong ng mga Barangay at SK officials sa pagkumbinsi sa mga magulang na pabakunahan ang kanilang mga anak.

Maliban sa pagbabakuna, mahalaga rin aniya na itulak ng local leaders ang pagbabakuna sa mga bata mula Grade 4 pataas kontra human papilloma virus (HPV).

“Bigyang-diin natin na mailalayo sa banta ng sakit ang mga bata kung mabakunahan sila. Maiiwasan ang pagkalumpo dahil sa polio, at para naman sa mga batang babae, malaki ang tulong ng HPV vaccine kontra sa cervical cancer na second-most common cancer sa mga kababaihan,” dagdag ni Reyes.

Ang FIC ay isang bata na nakatanggap na ng isang dose ng bacille Calmette-Guerin (BCG), three doses ng oral poliovirus vaccines (OPV), three doses ng diphtheria-Haemophilus influenzae-hepatitis B (DPT-HIB-HepB) vaccines, at two doses ng meningococcal vaccine pagsapit ng ika-12 buwan. | ulat ni Kathleen Jean Forbes

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us