Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga biktima ng lindol sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao na matatanggap nila ang lahat ng kinakailangang tulong mula sa pamahalaan.
Sa pagtungo ng Pangulo sa GenSan ngayong araw (November 23), upang personal na alamin ang sitwasyon doon, sinabi ng Pangulo na naihanda na ng gobyerno ang lahat ng kakailanganing assistance para sa mga biktima.
“Pati ‘yung mga rebuilding, hindi pa natin puwedeng simulan dahil may aftershocks pa. Ang problema sa lindol, walang forecast – hindi natin alam kung ano ang mangyayari,” sabi ng Pangulong Marcos sa isang panayam.
Maging ang mga nawalan ng bahay, mga mangingisda, at mga nasugatan, ay hindi pabababayaan ng pamahalaan.
“But mayroon tayong – lahat ng assistance, pangangailangan ng mga inabutan, ‘yung mga nawalan ng bahay, yung mga mangingisda, yung mga injured – lahat ‘yan patuloy na magbibigay ang DSWD [Department of Social Welfare and Development] ng assistance,” — Pangulong Marcos Jr.
Pagsisiguro ni Pangulong Marcos, hanggang matapos ang mga nararanasang aftershocks, at tuluyan nang maka-recover ang mga biktima ng 6.8 magnitude na lindol, mananatiling nakaalalay ang pamahalaan sa mga nangangailangang residente ng Mindanao.
“Hanggang matapos, titignan natin … So, we will have to prioritize that in the recovery,” — Pangulong Marcos. | ulat ni Racquel Bayan