Kinuwestiyon ni Senator Imee Marcos ang mga mambabatas na nananawagan sa mga ahensya ng gobyerno na makipagtulungan sa gagawing imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC) sa war on drugs na pinatupad ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ito ay may kaugnayan sa inihaing House Resolution 1393 at 1477.
Tanong ni Senator Imee, bakit isinusulong ng mga mambabatas na ito na makialam ang mga dayuhan at supilin nila ang independence ng judicial system ng Pilipinas.
Giniit ng senator, na paulit-ulit nang sinasabi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kanyang posisyon na hindi magpapasakop ang mga korte ng Pilipinas sa ICC, at ang Pilipinas ay isang sovereign nation na may sariling sistema ng hustisya.
Sa huli, iginiit ni Marcos na dapat manindigan tayo gaya ng paninindigan ng presidente sa ating bansa. | ulat ni Nimfa Asuncion