Ipina-subpoena ng House Committee on Ways and Means ang dalawang opisyal ng mga kumpanya ng e-cigarette na konektado umano sa higit P1.4 billion na halaga ng smuggled e-cigarettes na nasabat sa Valenzuela City noong Oktubre.
Sa mosyon ni Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez na siya ring naghain ng resolusyon para paimbestigahan ang insidente, pinapaharap sa Kamara sina Flava Corporation Philippines Chief Executive Officer Gen Fabro, at presidente ng Denkat Trading Corporation na si Dennis Rostata.
Aniya, dapat humarap ang naturang mga opisyal dahil pinag-uusapan dito ang nasa P7 billion na buwis na tinangka nilang takasan.
Kung pagbabatayan din aniya mga makikitang online ads at online shopping mobile apps ng dalawang kumpanya ay tila may kutsabahan pa ito.
Pero sinabi ni Lorman Arugay, ang legal counsel ng Denkat Trading Corporation, walang kinalaman ang kanyang kliyente sa smuggled e-cigarettes.
Nanawagan din si Rodriguez sa Bureau of Customs o BOC na magsagawa ng malalimang pagsisiyasat ukol dito.
Kasama naman na pinasusumite sa Denkat ang lahat ng importation papers, advertisements, at lahat ng mga dokumento kaugnay sa kasunduan kasama ang Flava. | ulat ni Kathleen Jean Forbes