Nagpahayag ng pagkabahala ang Philippine Reclamation Authority sa mga maaaring paglabag sa kalikasan ng kasalukuyang ginagawa na reclamation project sa Rizal Boulevard Dumaguete City, Negros Oriental.
Ang nasabing proyekto na may lawak na 1. 7 hectares ay ang “Seawall for Shoreline Protection,” na inisyatibo ng lokal na pamahalaan ng Dumaguete City.
Sa inisyal na pagsusuri ng PRA, lumalabas na walang kaukulang mga permit sa DENR tulad ng Area Clearance and Environmental Clearance Certificate.
Ayon kay PRA Chairman Atty. Alexander Lopez, nakikipag-ugnayan na sila sa DENR, lokal na pamahalaan ng Dumaguete at mga stakeholders para masiguro ang mga regulatory compliance nito.
Bagamat kinikilala ni Chairperson Lopez ang mga kapaki-pakinabang na mga proyekto, hindi naman daw dapat ipinagsasawalang bahala ang mga environmental regulations at sustainability.
Hinikayat din niya ang lahat ng sektor sa naturang proyekto na maging responsable sa pagsasagawa ng mga coastal development at environmental preservation.
Sa kasalukuyan, mayroong Cease and Desist Order ang nasabing proyekto habang pinag-aaralan na nila na maaaring kunin ng gobyerno ang nasabing proyekto sakaling mapatunayan na may paglabag ito sa regulatory requirements. | ulat ni Michael Rogas