Kinalampag ni Senador Francis Tolentino ang Land Transportation Office (LTO) na ayusin ang sistema nito para matugunan ang nasa 12.9 million na backlog sa plaka ng mga motorsiklo.
Sa naging pagdinig ng Senate Committee on Justice para sa Senate Bill 159 o ang panukalang amyenda sa motorcycle crime prevention act, binahagi ni LTO Chief Atty. Vigor Mendoza na posibleng abutin ng dalawa’t kalahating taon ang ahensya para ganap na matugunan ang backlog.
Hinikayat rin ni Tolentino ang LTO na iprayoridad ang mga lumang motorsiklo na nakapila pang magkaroon ng plaka mula taong 2014, kaysa sa kasalukuyang ginagawa ng ahensya na pagprayoridad sa mga bagong motorsiklo sa pagbibigay ng mga plaka.
Bukod dito, pinabibilisan rin ng senador sa LTO ang kanilang proseso sa pagdadagdag at pagpapalit ng mga impormasyon sa RFID (radio frequency identification) system ng motor.
Sinabi naman ni Senador JV Ejercito na sa halip na pagsusulong ng double plates ay dapat unahin ng LTO ang pagbibigay ng kahit isang plaka sa motorsiklo.
Sa ngayon ay bubuo na ng technical working group ang Senate Justice Committee para sa panukalang amyenda sa motorcycle crime prevention law. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion