Inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na hindi nito sususpindihin ang number coding scheme bukas.
Ito ay sa kabila ng isasagawang tigil-pasada ng grupong Manibela at PISTON.
Ayon sa abiso ng MMDA, tuloy pa rin ang implementasyon ng number coding scheme bukas mula 7AM hanggang 10AM at 5PM hanggang 8PM.
Sa ilalim ng naturang scheme, bawal bumiyahe ang mga sasakyan sa pangunahing lansangan sa Metro Manila batay sa huling numero ng kanilang license plates sa nasabing coding hours.
Samantala, mananataling naka-stand by ang mga asset ng MMDA para umalalay sa mga pasahero na maaapektuhan ng tigil-pasada hanggang sa Biyernes.
Matatandaang inihayag ng grupong Manibela na magkakasa rin ito ng tatlong araw na tigil-pasada simula bukas hanggang Biyernes para i-protesta ang jeepney consolidation at PUV Modernization Program ng pamahalaan.| ulat ni Diane Lear