Nagpaalala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na umiiral pa rin ang number coding ngayong araw.
Ito’y sa kabila ng halinhinang tigil-pasada ng mga grupong PISTON at MANIBELA para tutulan ang PUV Modernization ng pamahalaan.
Dahil dito, bawal bumiyahe ang mga sasakyang nagtatapos sa mga numerong 5 at 6 mula alas-7 hanggang alas-10 ng umaga gayundin mamayang alas-5 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi.
Sa pag-iikot naman ng Radyo Pilipinas, kapansin-pansing maluwag ang daloy ng trapiko sa bahagi ng service road sa Baclaran, Parañaque City ngayong umaga.
Tuloy-tuloy din ang biyahe ng mga jeepney sa mga rutang Baclaran-Monumento; Baclaran-Divisoria; Nicholes-Baclaran maging ang mga patungong Alabang. | ulat ni Jaymark Dagala