Pinabubuo ni Marikina Representative Stella Quimbo ang Kamara at Senado ng isang Joint Oversight Committee upang hanapan ng solusyon problema sa healthcare system ng bansa.
Sa House Resolution 1436, sinabi ni Quimbo na hindi maikakaila ang hindi magandang estado ng healthcare system.
Sa pamamagitan ng Joint Oversight Committee ay magsasagawa ng pagrepaso at pagsusuri ng mga opisina na may kinalaman sa pagbibigay ng access at pagpopondo sa healthcare system para masimulan ang reporma.
Bubuoin ang komite tig-limang miyembro mula sa Senado at Kamara at pamumunuan ng chairperson ng Senate Committee on Health and Demography at House Committee on Health.
Ipinunto ni Quimbo na nananatili ang hirap sa pagpapagamot sa bansa sa kabila ng mga batas gaya ng National Health Insurance Program (RA 7875), devolution ng health care sa lokal na pamahalaan (RA 7160), promotion sa paggamit ng generic drugs (RA 6675) at universal PhilHealth coverage (RA 11223) at mga repormang ipinatupad ng DOH.
Tinukoy din ng mambabatas ang ulat na apat sa bawat 10 na namamatay ay hindi nakakakita ng medical professional at halos 93% ng mga Pilipino ang mas nanaisin na mag-self-medicate.
Maliban pa aniya ito sa problema ng pag-alis ng mga doktor at nurse patungong ibang bansa; hindi nababayarang utang ng PhilHealth sa mga ospital at kawalan ng kakayanan ng LGU para pondohan ang devolution ng healthcare system. | ulat ni Kathleen Jean Forbes