Inihayag ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na nakahanda na ang lugar kung saan ibuburol ang labi ni Angelyn Peralta Aguirre, ang 33 taong gulang na caregiver sa Israel.
Si Angelyn ay nasawi sa Israel noong October 7 matapos na atakihin ng militanteng grupong Hamas ang Kibbutz Kfar Aza sa Southern Israel.
Ayon kay OWWA Administrator Arnell Ignacio, iniisa-isa nila ang pangangailangan ng pamilya ni Angelyn upang mabawasan na rin ang iniintindi ng nagdadalamhating pamilya.
Ani Ignacio, una nang inayos ng OWWA ang lugar na pagbuburulan ng labi ng OFW upang matiyak na magiging maayos at komportable para sa mga bibisita. Pinalagyan na aniya ng aircon at generator para sa kuryente.
Nauna naman naibigay na ang tulong pinansyal na P220,000 mula sa OWWA, bukod pa rito ang tulong pinansyal mula sa pamahalaan ng Israel na mahigit P100,000 kada buwan at ito ay lifetime na ibibigay
Dagdag pa ng opisyal na tutulong din ang OWWA sa pagpapagawa ng hindi pa tapos na bahay nila Angelyn, pati ang pagbibigay ng tulong medikal sa kapatid na may sakit.
Nakatakdang dalhin ang labi ni Angelyn sa Binmaley, Pangasinan ang probinsya ng nasawing OFW. | ulat ni Diane Lear