Kinilala ni Speaker Martin Romualdez ang inisyatiba ng Cebu Provincial Government na i-subsidize ang NFA rice, at maibenta sa mga residente sa halagang P20 kada kilo.
Ginawa ito ng House leader sa kaniyang pagdalo sa paglulunsad ng Sugbo Merkadong Barato.
“Tunay po na makasaysayan ang araw na ito para sa bansang Pilipinas. Ngayong araw, napatunayan ng mga Sugbuanon na hindi imposibleng makamit ang pangarap na magkaroon sa merkado ng de-kalidad na bigas sa halagang P20 bawat kilo.” saad ni Romualdez
Para kay Romualdez, marapat lang ding kilalanin ang mga lider ng Cebu, lalo na si Gov. Gwen Garcia sa paglalatag ng isa aniyang innovative solution para masigurong abot kaya ng mga Cebuano ang pangunahing bilihin.
Katunayan, maaari aniyang gayahin ng iba pang lugar sa bansa ang ginawang ito ng Cebu.
Maliban dito ay kinilala din ni Speaker Romualdez ang Bugasan sa Kababayen-an sa Barangay, na isa aniyang halimbawa kung paanong mapapalakas ang lokal na eknomiya ng mga komunidad at pagsuporta sa mga women’s organization.
Positibo naman si Romualdez, na ang mga hakbanging ito ay simula ng pagkamit ng abot kayang bilihin, lalo na ang masustansyang pagkain para sa bawat Pilipino at katuparan ng seguridad ng pagkain sa bansa. | ulat ni Kathleen Forbes