Magkatuwang ang Office of the Speaker at Tingog partylist sa pagpapaabot ng agarang tulong sa mga biktima ng 6.8 magnitude na lindol sa Davao Occidental nitong Biyernes.
Ayon kay House Deputy Secretary General Sofonias Gabonada, inatasan siya ni Speaker Martin Romualdez kasama ang Tingog na agad tugunan ang mga pangangailangan ng mga apektadong residente.
Kapwa makakatanggap ang congressional districts nina Sarangani Rep. Steve Solon at South Cotabato Lone District Rep. Loreto Acharon ng P10 million na medical assistance for indigent patients (MAIP) sa ilalim ng Department of Health (DOH) at P10 million na assistance to individuals in crisis (AICS) sa ilalim ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang grupo naman aniya ng Tingog sa Davao City at GenSan ay may paunang 5,000 na relief packs para sa dalawang distrito.
Nakikipag-ugnayan na rin aniya ang tanggapan ng Speaker sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga kongresista para sa kagyat na paglalabas ng quick response funds para sa rehabilitasyon ng mga apektadong imprastruktura gaya ng tulay at eskwelahan.
Inihahanda na rin aniya ang mga construction materials para sa pagkumpuni ng mga nasirang bahay.
Una nang sinabi ni Romualdez na kaisa ang Kamara sa pagsubok na hinaharap ngayon ng mga taga-Mindanao at kumpiyansa aniya siya na sa pagtutulungan ay muli silang makakabangon.
Ngayon aniya ang panahon para magkaisa ang mga Pilipino at ipinaalala na ano mang makakaya ay malaking tulong na sa mga apektadong residente.
“The House of Representatives extends its unwavering support to the people of Mindanao following the severe magnitude 6.8 earthquake. We are keeping our kababayans in the impacted areas in our thoughts and prayers as they face this difficult situation.” sabi ni Romualdez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes