Iginiit ni Senador Ronald ‘Bato’ dela Rosa na iginagalang niya ang desisyon ng dalawang komite ng Kamara, na aprubahan sa committee level ang resolusyong sumusuporta sa gagawing imbestigasyon ng International Criminal Court (ICC), sa ipinatupad na war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Ayon kay Dela Rosa, kinikilala niya ang parliamentary courtesy kahit pa isa siya sa mga subjetc ng gagawing imbestigasyon ng international tribunal.
Matatandaang sa panig ng Senado ay naghain ng resolusyon si Senator Risa Hontiveros para hikayatin ang Malacañang na makipagtulungan sa ICC investigation.
Una nang sinabi ni Senador Bato, na sumama ang loob niya kay Hontiveros kasunod ng hakbang na ito ng Senador pero ngayon ay sinabi ni dela Rosa na lumipas na ang kanyang tampo matapos silang magkausap.
Kaugnay nito, nagpahayag naman ng suporta si Senador Christopher ‘Bong’ Go sa kapartido niyang si dela Rosa kaugnay ng isyu.
Depensa ni Go, ginawa lang ni dela Rosa ang tungkulin niya noon bilang hepe ng pambansang pulisya.
Sakali naman aniyang matalakay sa Senate committee ang inihaing resolusyon ni Hontiveros at imbitahan si dating Pangulong Rodrigo Duterte, tiwala si Go na alam na ng dating pangulo ang kanyang gagawin bilang isa itong abogado. | ulat ni Nimfa Asuncion