Tinanggap ng Senado ang panukala ni Senador Risa Hontiveros na huwag payagan ang paggamit ng Contingent Fund para dagdagan ang Confidential and Intelligence Fund (CIF) ng ilang ahensya ng gobyerno.
Kinumpirma ni Senate Committee on Finance Chairperson Sonny Angara na kabilang ito sa mga amyenda sa pinal na bersyon ng Mataas na Kapulungan ng Kongreso ng panukalang 2024 National Budget.
Nakasaad ang panukalang ito sa isang special provision ng Contingent Fund.
Bukod sa pandagdag sa CIF ay ipinanukala rin ni Hontiveros na huwag gamitin ang Contingent Fund na pambili ng mga sasakyan.
Samantala, hindi naman ginalaw ng Senado ang ₱4.5-billion na Confidential and Intelligence Fund ng Office of the President (OP) ayon naman kay Senate Minority Leader Koko Pimentel.
Aminado naman ang Minority leader na hindi na niya ito ikinagulat, kahit pa siya ang nagpanukalang alisin ang CIF ng OP.
Mamayang alas-diyes ng umaga ay gagawin na ang Bicameral Conference Committee Meeting para mapagkasundo ang magkaibang bersyon ng Senado at Kamara ng panukalang 2024 National Budget. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion