Itinuturing ng National Security Council (NSC) na seryosong banta sa pambansang seguridad ang pagbebenta sa mga dayuhan ng Philippine Birth Certificate.
Ayon kay NSC Assistant Director General Jonathan Malaya, base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, madaling nakakakuha ng pekeng birth certificate ang mga dayuhan, na karamihan ay mga Chinese, mula sa mga Civil Registrar sa mga Local Government Unit (LGU).
Nababayaran aniya ang mga korap na lokal na opisyal para mag-isyu ng Birth Certificate na ipinadadala sa Philippine Statistics Authority (PSA), at nagiging basehan ng opisyal na PSA Certificate.
Paliwanag ni Malaya, ang PSA Certificate naman ang ginagamit sa pagkuha ng Philippine Passport at National ID para makapagpanggap na mga Pilipino ang mga dayuhan.
Tiniyak naman ni Malaya na nakikipagtulungan ang NSC sa National Bureau of Investigation (NBI) at sa Philippine Statistics Authority, para mapatigil ang ganitong iligal na gawain. | ulat ni Leo Sarne