Sa pamamagitan ng viva voce voting ay pinagtibay ng Kamara sa ikalawang pagbasa ang panukala para i-tap ang sobrang pondo ng mga GOCC o Government-Owned and Controlled Corporations pampondo sa unprogrammed funds.
Sa ilalim ng House Bill 9513, aamyendahan ang RA 11936 o 2023 General Appropriations Act kung saan nagdagdag ng criterion o batayan para sa paglalabas o pagkukunan ng unprogrammed funds.
Dito, maliban sa excess revenue mula sa koleksyon ng buwis, bagong revenue collection at foreign loans, maaari na ring pagkunan ng unprogrammed funds ang sobrang pondo ng mga GOCC.
Pangunahing dahilan sa paghahain ng panukala ay para gumastos ang pamahalaan.
Matatandaag na noong ikalawang quarter ng taon, dahil sa underspending ay bumaba ang GDP ng bansa.
Paliwanag ni Ways and Means Committee Chair Joey Salceda, na siyang may-akda at sponsor ng panukala, kailangan gumastos ang pamahalaan ng 11.3% ng pondo nito kumpara noong nakaraang taon upang maabot ang target na 6% GDP growth.
Ilan sa mga proyekto at programa sa 2023 General Appropriations Bill na nasailalim ng unprogrammed funds ay ang:
Medical Assistance to Indigent Patients [P13 billion], Specialty Hospitals [P2 billion], bayad para sa benepisyo ng mga healthcare frontliners [P5 billion], Training for Work Scholarship Program (TWSP) ng TESDA [P10 billion], Universal Access to Quality Tertiary Education [P2 billion], Solar powered irrigation [P10 billion], Assistance to Individuals in Crisis Situation [P5 billion], pension para sa indigent senior citizens [P 5 billion], Libreng Sakay [P2 billion], bike lanes [P1 billion], fuel subsidy program [P2.5 billion] at iba pa. | ulat ni Kathleen Jean Forbes