Didinggin ng Firearms and Explosives Office (FEO) ang request ng Quezon City Police District (QCPD) na kanselahin ang License to Own and Possess Firearms (LTOPF) at rehistro ng baril ni PLt.Col. Mark Julio Abong.
Ito’y makaraang masangkot sa panibagong gulo ang sinibak na dating hepe ng Criminal Investigation and Detection Unit ng QCPD, matapos magwala, manakit at magpaputok ng baril sa harap ng isang restoran sa Lungsod Quezon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief at spokesperson PCol. Jean Fajardo, kapag ang may ari ng baril ay nasangkot sa criminal offense gamit ang baril, ito ay basehan para kanselahin ang kanyang lisensya.
Samantala pinaliwanag ni Fajardo na hindi parin natatanggal sa serbisyo si Abong sa kabila ng desisyon ng QC People’s Law Enforcement Board (PLEB) sa kanyang unang kaso, dahil nakapag-file ito ng apela sa Departmemt of Interior and Local Government (DILG).
Nilinaw naman ni Fajardo na tanging ang Chief PNP, Police regional director at National Police Commission (Napolcom) ang may kapangyarihan na magpataw ng summary dismissal. | ulat ni Leo Sarne