Ipinapanukala ng isang kongresista mula Quezon City ang paglalagay ng bidet sa lahat ng palikuran sa pampubliko at pribadong establisyimento kasabay ng paggunita sa World Toilet Day.
Ipinunto ni Quezon City 5th District Rep. PM Vargas sa kaniyang House Bill 8959 o Bidet in Every Public Toilet Act na hindi lang basta amenity ang bidet bagkus ay simbolo ng pag-unlad ng lipunan at pagtiyak sa well-being o kapakanan ng publiko.
Aniya, sa pamamagitan nito ay mababawasan din ang gastos sa toilet paper na makatutulong sa kalikasan at makapagbibigay ng mas magandang serbisyo sa mga business establishment na pinupuntahan ng tao.
“We can only accelerate change if we make drastic changes in the current system. Putting comfort in comfort rooms is a public service Filipinos deserve as culturally, we use water and soap instead of tissue paper in restrooms and providing adequate sanitation is a significant stride towards cleaner, healthier, and dignified citizenry”, ani Vargas.
Ang World Toilet Day ay isang taunang selebrasyon upang palawakin ang kaalaman sa mga isyu patungkol sa sanitation at access sa malinis na toilet o palikuran. | ulat ni Kathleen Jean Forbes