Nasa 208 na mambabatas ang pumabor para aprubahan ang House Bill 9153 o Contraband Detection and Control Act o CDCA system.
Sa pamamagitan ng panukala ay inaasahang mahihinto na ang iligal na pagpupuslit ng mga kontrabando sa loob ng mga kulungan na magreresulta naman para maputol na ang iligal na aktibidad ng mga convicted drug lords at kriminal sa loob mismo ng mga kulungan.
Nakasaad sa panukala na lahat ng penal, detention at custodial facility na hawak ng Bureau of Corrections, provincial governments, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at iba pa ay kailangang maglatag ng CDCA system kabilang ang paggamit ng handled at walk-through metal detectors, X-ray scanners, K-9 units at iba pang makabagong teknolohiya.
Itinuturing na mga kontrabando ang ammunition, firearms at iba pang armas, iligal na droga at paraphernalia sa paggawa nito, alak, sigarilyo, communication device, luxury appliances, pang-sugal at maging signal jammer.
Kabilang din sa ituturing na iligal na kagamitan ang mga gamit na may banta sa kaligatasan, seguridad at kalusugan ng mga tao sa correctional institusyon o anomang maaaring magamit para sa pagpa-plano, pagtulong at pagsasagawa ng pagpuga o pagtakas.
Ang sino mang magtatangkang magpasok o mahuhulihan ng droga, armas at pampasabog ay mahaharap sa pagkakakulong na 20 hanggang 40 taon at multang P5-million hanggang P10-million.
Habang para sa ibang kontrabando, 6 hanggang 12 taon na kulong ang parusa at may multa na P1-million hanghang P5-million.
Maliban sa parusang kulong at multa kung ang may sala ay isang public official, jail authority o empleyado ay papatawan sila ng perpetual absolute disqualification sa paghawak ng posisyon sa gobyerno at babawiin ang kanilang retirement benefits at leaves.
“This will serve as a deterrent to those inmates or detention prisoners where drugs and crimes have been a part of their lives – inside or outside of prison. The measure will put a stop to their nefarious activities, where they are transacting drug deals even inside prison,” ayon kay Speaker Martin Romualdez. | ulat ni Kathleen Jean Forbes