Pagpapasinaya ni PBBM sa Healthway Cancer Care Hospital, umani ng papuri

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pinasalamatan ni three-term Congressman at kasalukuyang Quezon City Councilor Alfred Vargas ang pagbibigay-prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa cancer control, kasunod ng pagpapasinaya nito ng kauna-unahang ospital sa bansa na nakatuon sa paggamot ng kanser.

“Ang pagkakaroon ng isang specialty center para sa cancer ay isang katuparan ng pangarap natin bilang pangunahing may-akda ng National Integrated Cancer Control Act o NICCA. Ang balitang ito’y isang maagang Christmas gift na magbibigay ng pag-asa sa napakarami nating mga kababayan,” pahayag ni Vargas.

Kamakailan ay pinangunahan ni Pangulong Marcos ang inagurasyon ng Healthway Cancer Care Hospital na inaasahang magdadagdag ng moderno at state-of-the-art oncology care sa Pilipinas.

Ang pagpapagamot dito ay maaaring pondohan ng Cancer Assistance Fund ng gobyerno na magiging kabawasan sa gastusin ng mga pasyente, lalo na sa diagnostics, therapeutic procedures, at cancer medicines.

Dagdag ni Vargas, malaki ang nawalang pagkakataon sa cancer care and control dahil sa COVID-19 nitong nakaraang tatlong taon at ikinatutuwa niya ang pagbibigay ng pansin ng kasalukuyang administrasyon sa pagtataguyod ng NICCA.

“Base sa datos ng Department of Health, pangatlo ang cancer sa leading cause of death ng bansa at marami pa rin sa ating mga kababayan ang namamatay na hindi manlang natitingnan ng espesyalista. Ang diagnosis na cancer ay hindi dapat hatol ng kamatayan. Bukod sa PhilHealth, mayroong Cancer Assistance Fund mula sa NICCA,” ayon kay Vargas.

Nitong Setyembre, naglabas ang Department of Budget and Management at Department of Health ng implementing guidelines para sa Cancer Assistance Fund at umaabot sa P500-milyon ang pondong inilaan para rito ngayong taon. Nakatakda naman itong lakihan hanggang P1-bilyon sa 2024.

Ito rin ay kasunod sa paglagda ni Pangulong Marcos sa batas na nagpapatayo ng specialty centers sa bawat rehiyon para masigurong may access ang lahat ng Pilipino sa mura at de kalidad na serbisyong pangkalusugan.

“Kitang-kita natin ang ipinapamalas na malasakit ni Pangulong Bongbong Marcos sa cancer patients at sa kanilang mga mahal sa buhay. Napakalaking tulong ang sunud-sunod na mga polisiya at direktiba ng pamahalaan upang punan ang pangangailangan ng ating mga kababayang may sakit,” ani Vargas. | ulat ni Michael Rogas

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us