Bumubuo na ang Department of Education (DepEd) ng isang focal team na siyang tututok sa pakikipag-ugnayan at paghahanap ng mga paraan kung paano makatutulong sa Ministry of Basic and Higher Education ng Bangsamoro government.
Ito ang naging paksa ng pakikipagpulong nila Vice President at Education Secretary Sara Duterte gayundin ni Presidential Adviser on Muslim Affairs Secretary Almarim Tillah kahapon.
Doon, kanilang tinalakay ang mga hakbang para itaguyod ang kapayapaan at kaunlaran gayundin ang pagpapaunlad sa kalidad ng edukasyon ng mga batang Bangsamoro.
Ayon kay VP Sara, mahalagang mas mapagbuti pa ang kalidad ng edukasyon sa buong bansa, kabilang na rito ang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM.
Kaisa aniya ng BARMM ang DepEd na matulungan ang mga batang Bangsamoro na maging isang mabuting mamamayan ng Pilipinas.
Nagpapasalamat si VP Sara kay Secretary Tillah at sa Bangsamoro government sa pagsusulong ng kanilang adhikaing maging MATATAG upang maitaguyod ang isang Batang Makabata at Batang Makabansa. | ulat ni Jaymark Dagala