Mariing kinondena ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang walang habas na pagpaslang sa isang guro at asawa nito sa Banisilan, Cotabato kahapon.
Sa isang pahayag, sinabi ni VP Sara na ang ganitong uri ng karahasan ay isang uri ng pag-atake hindi lamang aniya sa indibiduwal kundi sa kahalagahan ng edukasyon, paggalang, at komunidad.
Dahil dito, nagpaabot ng pakikiramay ang Pangalawang Pangulo sa naulilang pamilya.
Nakikiisa aniya siya sa mga ito lalo na sa panahon ng pagdadalamhati dahil sa pagkawala ng kanilang minamahal.
Nanawagan naman si VP Sara sa mga awtoridad na agarang lutasin ang kaso at papanagutin ang mga nasa likod nito.
Tiniyak naman ng DepEd na kanilang itataguyod ang pagkakaroon ng ligtas at mapag-arugang kapaligiran para sa mga guro at mag-aaral na ligtas sa anumang uri ng karahasan. | ulat ni Jaymark Dagala