Inalmahan ni National Security Advisor at National Task Force to End the Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Chairperson Secretary Eduardo Año ang panawagan ni UN Special Rapporteur on Human rights Dr. Ian Fry na buwagin ang NTF-ELCAC kaugnay ng isyu sa climate change.
Sa isang statement, sinabi ni Año na ang panawagan ni Dr. Fry na dahil sa umano’y paglabag sa karapatang-pantao ng mga environmental activists ay base sa hindi kumpletong report.
Paliwanag ni Año, binigyan si Dr. Fry ng kalayaan na mag-imbestiga sa bansa alinsunod sa kanyang mandato, pero sa hindi malamang kadahilanan ay hindi niya kumpletong ginawa ito.
Giit ni Año, sa ngalan ng “fairness” at hustisya, dapat ay tinalakay ni Dr. Fry ang kanyang mga “concerns” sa NTF-ELCAC para lubusang maintindihan ang mandato at operasyon ng grupo, dahil hindi kumpleto ang kanyang report kung hindi napakinggan ang lahat ng panig.
Inanyayahan naman ni Año si Dr. Fry sa isang diyalogo bago isapinal ang kanyang report, na kung kanyang tatanggapin ay patunay aniya na hindi siya “discriminatory” sa pagganap ng kanyang mandato. | ulat ni Leo Sarne