Pormal nang inilunsad ang Paleng-QR PH Plus sa lungsod ng Iloilo nitong Huwebes, Nobyembre 23.
Pinangunahan ito ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of Interior and Local Government (DILG) at mga opisyales ng Iloilo City at mga financial service providers.
Katuwang ang mga financial service providers at e-money issuers, isinusulong sa Paleng-QR PH Plus ang paggamit ng cashless o digital payments sa mga palengke at pampublikong transportasyon gamit ang QR codes na maaring ma-scan sa cellphone.
Sa kanyang ipinadalang mensahe, inihayag ni BSP Deputy Governor Bernadette Romulo-Puyat na malaki ang tulong ng Paleng-QR PH Plus sa pagpapalawak pa ng financial footprints ng market vendors upang mabigyan sila ng access na makinabang sa dagdag na mga financial services kagaya ng loans na may mababang interest at mga investments.
Ayon naman kay Maricel Mabaquiao head ng Local Economic Enterprise Office (LEEO), makakatulong ang programa upang mas mapabilis, mas maging efficient, at convenient ang transaksyon sa mga merkado-publiko.
Makakatulong rin ito sa mga turista at mga mamamili na maiwasan ang mga counterfeit money.
Dagdag pa niya, angkop rin ito sa pagsusulong ng digitalization sa lungsod lalo pa at kasalukuyang nire-rehabilitate ang mga merkado-publiko sa lungsod.
Sa ngayon, nasa 1,625 na market vendors na sa Iloilo Terminal Market ang may opsyon na cashless o digital payment. Palalawakin pa ito sa iba pang merkado-publiko sa lungsod. | ulat ni Emme Santiagudo | RP Iloilo