Muling nanindigan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na hindi na magbabago ang ibinigay na palugit ng pamahalaan na December 31 para sa pagsasama-sama ng mga tsuper o operator sa iisang kooperatiba o korporasyon o Industry Consolidation.
Tugon ito ng LTFRB sa gitna ng pagbabanta ng ilang grupo na muling magkakasa ng malawakang tigil-pasada dahil sa PUV Modernization Program.
Ayon kay LTFRB Chair Teofilo Guadiz III, hindi sila magpapadikta sa mga nagbabantang transport group.
Muli rin nitong ipinunto na ginagawa na nila ang lahat para maging simple at madali ang proseso ng consolidation sa mga jeepney operator at driver.
Wala rin aniyang mawawalan ng pangkabuhayan dahil hindi sapilitan ang pag-modernize ng inyong jeep.
Una nang nagpaalala ang LTFRB na mapapatawan ng karampatang parusa ang mga indibidwal na nakilahok sa pamiminsala sa mga pampublikong sasakyan at nagdulot ng krisis sa transportasyon.
Samantala, binigyang-diin naman ng ahensya ang kahandaan nito na tumugon sa pangangailangan ng mga komyuter sakaling matuloy ang nakaambang tigil-pasada. | ulat ni Merry Ann Bastasa