Tiniyak ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tutulungan ang mga Pilipino na umuwi sa Pilipinas mula sa Gaza Strip.
Ito ay kasunod ng pagdating sa bansa ngayong araw ng ikatlong batch ng mga Pilipino na inilikas mula sa Gaza.
Ayon kay Foreign Affairs Assistant Secretary Robert Ferrer, nabigyan na ng tulong pinansyal sa Cairo, Egypt pa lang ang bawat pamilya ng 1,000 dollars.
Pagdating naman dito sa Pilipinas, magbibigay din ng tulong ang OWWA at DSWD, at tutulungan silang maikonekta sa kanilang mga lokal na pamahalaan.
Ilan kasi sa mga lumikas na Pilipino sa Gaza ay wala pang matutuluyan dito sa Pilipinas.
Gaya ni Revelina Cargullo, 62 taong gulang na nakapangasawa ng Palestino. Kasama niyang nakauwi ang kaniyang dalawang anak, asawa, manugang at mga apo.
Ibinahagi rin niya ang kanilang naging karanasan sa isang buwan na nagpapatuloy na gulo sa pagitan ng Israel Defense Forces at Hamas.
Si Revelina ay taga-Rosario, La Union at umaasa siyang mabibigyan ng tulong ng pamahalaan lalo na ang matitirahan dahil may kapatid naman daw siya rito pero wala silang bahay at ayaw niya ring dumagdag pa kasi marami rin daw mga anak ito.
Bukas naman inaasahan na uuwi sa bansa ang 4th batch ng mga Pilipino na mula sa Gaza. | ulat ni Diane Lear