Pasado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House Bill 9293 o panukala na bubuo sa Philippine Atomic Energy Regulatory Authority (PhilATOM) at paglalatag ng technological at legislative framework para sa ligtas na paggamit ng nuclear energy sa bansa.
Nilalayon ng panukala na tiyaking makakasunod ang Pilipinas sa ‘international obligation’ pagdating sa paggamit ng nuclear energy salig sa rekomendasyon ng International Atomic Energy Agency (IAEA).
Ang PhilATOM ang bibigyan ng eksklusibong awtorisasyon para sa regulasyon at pamamahala ng ligtas at secure na paggamit sa nuclear energy at radiation sources.
Ibig sabihin, mapapasailalim na sa PhilATOM ang mga regulatory task na kasalukuyang hawak ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI).
Positibo naman si Special Committee on Nuclear Energy Chairperson at Pangasinan Rep. Mark Cojuangco, na siyang sponsor ng panukala na makatutulong para sa mas mura, maaasahan at malinis na pagkukunan ng kuryente. | ulat ni Kathleen Jean Forbes