Tiniyak ni Senate Committee on Finance Chairperson Sonny Angara na patuloy na maipatutupad ang 8-point Socioeconomic Agenda ng administrasyong Marcos at iba pang strategic goals para sa ikauunlad ng Pilipinas sa ilalim ng Panukalang 2024 National Budget.
Pagdating sa food security, sinabi ng senador na naglaan ng ₱107.75-billion na pondo para sa banner programs ng Department of Agriculture (DA) kasama na rin ang patuloy na pagbibigay ng fuel assistance sa mga mangingisda at magsasaka.
Umaasa aniya siyang makatutulong ang pondong ito para magampanan ni bagong DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang kanyang mandato.
Para sa sektor ng transportasyon, ibinahagi ni Angara na maglalaan ng pondo para sa fuel subsidy ng mga public utility vehicle (PUVs) drivers at sa pagpapatuloy ng Service Contracting Program.
Sa sektor ng edukasyon, dinagdagan ng Senado ang pondo para sa Department of Education (DepEd) at sa mga attached agencies nito ng ₱3.5-billion (para sa kabuuang pondo na ₱718.08-billion), gayundin sa Commission on Higher Education (CHED), sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at sa iba’t ibang State Universities and Colleges (SUCs).
Sa sektor naman ng kalusugan, nagdagdag ng ₱125-million para sa ‘Doktor Para sa Bayan’ program at sa mga healthcare facilities sa buong bansa.
Tinitiyak rin ng Panukalang Pambansang Pondo ang patuloy na pagbibigay ng ayuda sa mga nangangailangan nating kababayan.
Habang para naman sa Defense sector ay nirerekomenda ng Senate panel ang dagdag na pondo para sa pagapapanatili ng national security, territorial defense, at pagtataguyod ng ating soberanya. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion