Tinaasan ng Senado ng ₱1.35-billion ang panukalang pondo ng Philippine Coast Guard (PCG) para sa susunod na taon.
Sa Budget deliberation ng Senado sa panukalang pondo ng Department of Transportation (DOTr), kung saan nakapaloob ang budget ng PCG, tinanong ni Senate Minority Leader Koko Pimentel kung para saan ang dinagdag na pondo.
Tugon ng sponsor ng DOTr budget na si Senador Grace Poe, ang dagdag na pondo para sa PCG ay para sa maintenance at gasolina ng mga sasakyang pandagat ng Coast Guard.
Pinaliwanag ni Poe na kailangang sumailalim sa maintenance kada buwan ang mga sasakyang pandagat sa dry dock ng dalawang beses kada limang taon.
Napag-alaman rin aniya ng senador na maraming barko ang PCG na hindi nagagamit dahil wala silang pera para sa maintenance.
Iginiit rin ni Poe na dahil sa mga nagyayari ngayon sa West Philippine Sea ay kailangang ibigay sa PCG ang dagdag na pondo bilang sila ang first line of defense ng Pilipinas doon.
Sang-ayon naman si Pimentel sa pagdagdag ng pondo para sa PCG at sinabing tiwala ang mga senador sa track record ng ahensya. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion