Pasado na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang House bill 9153 o ‘Contraband Detection and Control Act’.
Ayon kay Surigao del Norte Representative at House Committee on Dangerous Drugs Chair Robert Ace Barbers, na siya ring sponsor ng panukala, nilalayon nito na mahinto na ang iligal na pagpupuslit ng mga kontrabando sa loob ng mga kulungan.
Sa pamamagitan nito ay mapuputol na rin aniya ang mga iligal na aktibidad ng mga convicted drug lord at kriminal sa loob mismo ng mga kulungan.
“HB No. 9153 principally aims to prevent the proliferation of contraband in prison by mandating all government agencies and local government units that operate and maintain any correctional, custodial or detention facility to establish and implement a Contraband Detection and Control System (CDCS),” Barbers added.
Kabilang sa paghihigpit na ipatutupad ang paggamit ng handled at walk-through metal detectors, X-ray scanners, K-9 units at iba pang makabagong teknolohiya sa lahat ng penal, detention at custodial facility na hawak ng Bureau of Corrections, provincial governments, Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), Philippine National Police (PNP), National Bureau of Investigation (NBI), at iba pa.
Itinuturing na mga kontrabando ang ammunition, firearms at iba pang armas, iligal na droga at paraphernalia sa paggawa nito, alak, sigarilyo, communication device, luxury appliances, pang-sugal at maging signal jammer.
Ang sinumang magtatangkang magpasok o mahuhulihan ng droga, armas at pampasabog ay mahaharap sa pagkakakulong na 20 hanggang 40 taon at multang P5 million hanggang P10 million.
Habang para sa ibang kontrabando, 6 hanggang 12 taon na kulong ang parusa at may multa na P1 million hanggang P5 million.
Maliban sa parusang kulong at multa, kung ang may sala ay isang public official, jail authority o empleyado ay papatawan sila ng ‘perpetual absolute disqualification’ sa paghawak ng posisyon sa gobyerno at babawiin ang kanilang retirement benefits at leaves. | ulat ni Kathleen Jean Forbes