Tuluyang nang pinagtibay ng Kamara ang House Bill 9293 o “Philippine National Nuclear Energy Safety Act”.
Nasa 200 mambabatas ang bumoto pabor, pito ang tumutol at may 2 abstention.
Sa pamamagitan ng panukalang ito ay maisasakatuparan ang planong nuclear energy development ng Marcos Jr. administration para sa bansa.
Ilalatag ng panukala ang legal framework para sa ligtas na pamamahala at paggamit ng nuclear energy.
Nakapaloob din dito ang pagtatatag ng Philippine Atomic Energy Regulatory Authority o PhilATOM.
Bibigyan ng eksklusibong awtorisasyon ang PhilATOM para sa regulasyon at pamamahala ng ligtas at secure na paggamit sa nuclear energy at radiation sources.
Ibig sabihin, mapapasailalim na sa PhilATOM ang mga regulatory task na kasalukuyang hawak ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI).
“This is the first step toward realizing our dream of energy security. We share this bold but promising vision of President Ferdinand ‘Bongbong’ R. Marcos Jr. to look into nuclear energy seriously,” sabi ni Speaker Martin Romualdez sa pagkaka-apruba ng panukala
Maliban dito malilipat na rin sa bagong tanggapan ang regulatory functions ng Radiation Regulation Division ng Center for Device Regulation at Radiation, Health and Research ng Department of Health – Food and Drug Administration patungkol sa mga kagamitan na naglalabas ng ionizing radiation.
Kabilang naman sa magiging mandato ng PhilATOM ay ang tumulong sa pamahalaan sa pag papaunlad ng mga polisiya at pag regulate sa mga aktibidad at pasilidad na may kaugnayan sa enerhiyang nukleyar.
Ito rin ang magsisilbing tagapangalaga ng register ng radiation sources at mag iinspeksyon at titiyak na nakakasunod ang mga ito salig sa probisyon ng panukala.
Makikipag-ugnayan din ang PhilATOM sa Vienna, Austria-based International Atomic Energy Agency (IAEA) at sisiguruhin na makakasunod ang Pilipinas sa international obligation pagdating sa paggamit ng nuclear energy salig sa rekomendasyon ng IAEA. | ulat ni Kathleen jean Forbes