Muling binigyang-diin ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang kahalagahan ng ipinapanukalang pagbubuo ng Department of Disaster Resilience (DDR) sa paghahanda at pagtugon sa epekto ng mga kalamidad o sakuna na dadaan sa bansa.
Ito ay kasunod ng malakas na lindol na naramdaman ng Sarangani, Davao Occidental nitong linggo.
Ayon kay Go, iba pa rin kapag isang hiwalay na departamento at may isang secretary-level na makikipag-coordinate sa mga lokal na pamahalaan sa pagtugon sa epekto ng naramdaman na lindol.
Aniya, sakaling maisabatas ang panukalang Department of Disaster Resilience at magkaroon ito ng kalihim ay ito na ang mangangasiwa sa pakikipag-ugnayan sa mga kailangan ng mga apektadong LGU; sa pakikipag-ugnayan sa Department of Information and Communications Technology (DICT) at sa Department of Energy (DOE) para sa pagbabalik normal ng komunikasyon at kuryente sa lugar; at sa iba pang rehabilitation efforts na kailangan.
Iginiit ng senador na mas mainam nang maging handa o proactive ang pamahalaan pagdating sa mga kalamidad at sakuna.
sa ngayon ay nasa Senate Committee on National Defense na ang Senate Bill 188 na inihain ni Go kaugnay ng panukalang pagtatag ng Department of Disaster Resilience (DDR). | ulat ni Nimfa Mae Asuncion