Nanindigan si House Speaker Martin Romualdez na walang Pilipino ang maaabuso sakaling maikasa ang planong Reciprocal Access Agreement (RAA) sa pagitan ng Japan at Pilipinas.
Sa ambush interview matapos ang special joint session ng Kongreso para tanggapin si Japanes Prime Minister Kishida Fumio, natanong ang House leader kung hindi ba mag reresulta sa pang-aabuso, lalo na sa kababaihan ang naturang kasunduan.
“Ay hindi po naman, kasi syempre naman nakikita po natin na, now in this day and age, mass media, technology, social media, napaka-sensitive naman tayo dito sa mga issue na ganito,” sabi ni Romualdez.
Dagdag pa nito na natuto na ang bansa mula sa mga karanasan ng nakaraan lalo na sa pagbibigay respeto sa mga kababaihan.
“Yung mga karanasan noong nakaraan ay syempre natuto na rin tayo. At dito naman talaga, nakikita po natin yung respeto na binibigay natin, hindi lang sa ating mga kababaihan pero sa kapwa nating Pilipino. Lalo na sa mga relasyon natin sa dayuhan, mga magbibisita sa atin dito. Kaya very, very, mataas yung kumpiyansa natin na magiging smooth ang relasyon nating ito sa RAA,” diin pa ng House Speaker.
Ang RAA ay kahalintulad ng Visiting Forces Agreement sa pagitan ng bansa atng Estados Unidos.
Kailangan ng pag-sangayon ng Kongreso upang ito ay maisakatuparan.
Mayroong nang ganitong kasunduan ang Japan sa Australia at United Kingdom. | ulat ni Kathleen Jean Forbes