Makakarating na sa mas malayong lugar ang sikat na kakanin at paboritong pampasalubong mula sa bayan ng Piat, Cagayan, ang Pawa.
Ito’y matapos ang mapagtagumpayan ng research center ng DA Regional Field office 02 ang teknolohiya para mapahaba ang shelf life nito.
Ang dating isa (1)- dalawang (2) araw , ngayon ay tatagal na ng tatlo (3) hanggang pitong (7) araw.
Maari pang magtagal ito hanggang 21 araw, kung ito ay nakalagay sa refrigerator.
Kaya naman maari na rin itong ipampasalubong sa malalayong lugar, hindi na lamang dito sa bansa, kundi maging sa abroad.
Ayon kay Regional Executive Director Rose Mary Aquino, ang nabanggit na teknolohiya ay tugon sa kahilingan ni Piat Mayor Leonel Guzman na mas matagal na shelflife ng kanilang produktong pawa.
Gusto kasi ng alkalde na mas makalayo ang ipinagmamalaking kakanin ng Piat.
Maliban sa teknolohiya, nabigyan rin ng mga gamit ang ASOSASYON ng mga gumagawa ng PAWA sa lugar, kung saan tumanggap ang mga ito ng isang (1) unit ng band sealer machine at isang (1l unit ng mini retort machine na nagkakahalaga ng P 68,000.00, na pinondohan mula sa 2023 Rice R4D Project.
Maliban sa mas pinahabang expiration, pinaganda rin ang packaging nito, ito ay sa tulong parin ng DA, kung saan nagbigay rin ang ahensya ng pondo para sa pagbili ng lalagyan ng produkto.
Maliban mas kaaya- ayang lalagyan ng pawa, makakatulong din ang bagong packaging para mas mapatagal ang shelf life nito. | ulat ni Dina Villacampa | RP1 Tuguegarao