Pinagtibay ng House Committee on Women and Gender Equality ang panukalang batas na layong magbigay ng patas na awtoridad sa mag-asawa pagdating sa pamamahala at pagpapasya sa kanilang mga ari-arian.
Aamyendahan ng inaprubahang substitute bill ang Articles 14, 96, 124, 211 at 225 ng Family Code, na pumapabor sa mister na magdesisyon kapag may sigalot sa conjugal properties.
Oras na maisabatas, hindi na maaaring ibenta ang mga ari-arian na tanging ang mister lamang ang magpapasya.
Magiging “invalid” kasi ang deed of sale kung hindi sinang-ayunan ng misis.
Maging sa ari-arian ng mga menor de edad, ang kapwa mag-asawa na ang mamamahala at hindi na kailangang pumunta ng korte para ipaglaban ang karapatan ng isa’t isa.
Kasama rin sa probisyon na dapat ay kapwa magbigay ng consent ang nanay at tatay kapag nag-asawa ang kanilang anak sa edad 18 hanggang 21-anyos.
Sa ilalim kasi ng kasalukuyang batas, sapat nang isa sa magulang o kaya guardian ang uubrang magbigay ng basbas para mag-asawa ang naturang anak. | ulat ni Kathleen Jean Forbes