Kailangang patuloy na ipagtanggol ang territorial integrity at soberenya ng mga bansa sa rehiyon.
Ito ang inihayag ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro sa kanyang mensahe sa 22nd General Assembly of the Veterans Confederation of ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) Countries (VECONAC) sa Sofitel Philippine Plaza, kahapon.
Ang aktibidad na pinangasiwaan ng Veterans Federation of the Philippines ay dinaluhan ng mga beteranong lider mula sa 10 bansang kasapi ng ASEAN.
Dito’y kinilala ni Teodoro ang kontribusyon ng mga beterano sa pagpapalaya ng kani-kanilang mga bansa mula sa kolonyalismo, kasabay ng paghimok sa mga ito na patuloy sa suportahan ang isang bukas at malayang rehiyon na rumerespeto sa rule of law at mapayapang pagresolba sa mga alitan.
Sinabi ni Teodoro na kailangang magkaisa ang ASEAN para maging pinakamaunlad at pinakamapayapang rehiyon sa buong mundo. | ulat ni Leo Sarne