Nagpaabot ng kaniyang pasasalamat si Pangulong Ferdinand R. Marcos sa Israel, Egypt at Qatar para sa aniya’y pagbibigay prayoridad ng mga ito para makalabas na sa Gaza Strip ang may 40 na mga OFW sa pamamagitan ng pagtawid sa Rafah crossing.
Ayon sa Pangulo, patungo na sa Cairo ang nasabing bilang ng mga OFW kung saan sila magmumula pabalik na ng Pilipinas.
Kaugnay nito ay kinilala din ng Punong Ehekutibo ang pagsisikap ng mga Department of Foreign Affairs na siyang nagsagawa ng kailangang koordinasyon sa mga bansang tumulong sa ating mga kababayan.
Kaugnay nito’y umaasa ang Pangulo na ang natitira pang mga Pilipino ay makakatawid na rin sa Rafah border kasama ang kani-kanilang mga pamilya.
Naghihintay lang aniya ng hudyat mula sa mga awtoridad bago maisagawa uli ang panibagong batch ng makakaalis sa Gaza at makatawid sa Rafah crossing.
Magbibigay aniya uli ang kanyang tanggapan ng update hinggil sa ginagawang paglilikas. | ulat ni Alvin Baltazar