Kumuha na rin ng sample ng tubig at patay na tilapya ang Philippine Coast Guard upang alamin ang sanhi ng ‘fish kill’ sa karagatan ng Brgy. 161 Cavite City noong nakaraang araw.
Ayon sa PCG, kasalukuyang sinusuri na ng kanilang Marine Environmental Protection ang mga kinuhang sample na dinala sa kanilang laboratory.
Bukod sa PCG, kasalukuyang nagsasagawa na rin ng imbestigasyon ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at ang lokal na pamahalaan ng Cavite City.
Tone-toneladang mga patay na tilapya ang tumambad sa mga residente ng Brgy. 161 nang madiskubre ito bandang 4:10 ng hapon nitong Lunes.
Hindi pa makapagbigay ng inisyal na resulta ang team ng PCG na sumuri sa naturang fish kill dahil kasalukuyang dumadaan ito sa evaluation.
Inalis na ang mga patay na isda sa naturang karagatan at dinala sa Material Disposal Facilities ng Cavite City. | ulat ni Michael Rogas
: Florimay Tayum