Nagpahayag ng pagkabahala ang Philippine Army sa isinusulong na House Bill 8269 o “An Act Protecting the Rights of Internally Displaced Persons (IDPs) and Penalizing the Acts of Arbitrary Internal Displacement” na nakapasa kamakailan sa 3rd and final reading sa Mababang Kapulungan.
Sa kanyang pakikiharap sa mga mamahayag sa Phil. Army Headquarters kahapon, sinabi ni Phil. Army Spokesperson Lieutenant Colonel Louie Demaala, na dapat lang bigyang proteksyon ang karapatan ng mga Indigenous People (IP) na naninirahan sa mga komunidad kung saan nagsasagawa ng combat operation ang militar laban sa mga teroristang komunista.
Pero kung susuriin aniya ang nilalaman ng panukala, mistulang pinipigilan ang mga tropa ng pamahalaan na makapaglunsad ng mga operasyon kontra sa komunistang grupo.
Paliwanag ni LtCol. Demaala, nakasaad kasi sa HB 8269 na maaaring kasuhan ang sinumang tropa ng gobyerno na magpapalikas ng mga indigenous People (IP) na maaaring maapektuhan ng bakbakan.
Dahil dito, malaki aniya ang posibilidad na may mga military commander na magdalawang-isip na magsagawa ng combat operation dahil sa takot na makasuhan.
Sinabi naman ni Lt. Col. Demaala, na handa silang makipagdiyalogo sa mga mambabatas kung kinakailangan upang maipaliwanag ang kanilang panig hinggil sa naturang panukalang batas. | ulat ni Leo Sarne