Nilinaw ng ilang retiradong heneral ng Militar at Pulisya na patuloy nilang sususportahan ang liderato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ito’y makaraang itanggi ng mga ito na may niluluto umanong destabilisasyon o tangkang pabagsakin ang administrasyon.
Para kay Baguio City Mayor Benjamin Magalong na dati ring heneral ng Philippine National Police, hindi magandang pag-usapan ang ganitong paksa sa panahong ito na dapat bumabangon ang ekonomiya.
Una rito, nanawagan si PNP Chief General Benjamin Acorda sa lahat ng mga nasa aktibong serbisyo na magkaisa upang tulungan ang pamahalaan na maabot ang mga adhikain nito.
Bagaman aminado si Magalong na nagkakaroon ng diskusyon sa pagitan ng mga retiradong heneral hinggil sa pagkadismaya nila sa nangyayaring katiwalian, nilinaw niyang bahagi lamang ito ng demokrasya at walang humihikayat na mag-aklas.
Samantala, nakatakda namang parangalan ng Philippine Military Academy (PMA) si PNP Chief Acorda bilang miyembro ng Sambisig Class of 1991.
Dito, inaasahang ihahatid ni Acorda ang panawagan ng pagkakaisa sa mga susunod na salinlahi ng mga nasa unipormadong hanay at huwag papasilaw sa pansariling interes ng iilan. | ulat ni Jaymark Dagala