Deferred o pinagpaliban na muna ng Senado ang deliberasyon sa panukalang 2024 Budget ng Commission Human Rights (CHR) matapos kwestiyunin ng mga senador ang posisyon ng komisyon tungkol sa decriminalization ng abortion.
Sa interpellation kasi ni Senador Alan Peter Cayetano sa CHR Budget, humingi ito ng paglilinaw sa naging pahayag ni CHR Executive Director Jacqueline de Guia tungkol sa isyu.
Sa pamamagitan ng sponsor ng CHR Budget na si Senador Jinggoy Estrada, ipinaliwanag ni De Guia na hindi niya sinusuportahan ang abortion.
Suportado lang aniya ni De Guia ang decriminalization ng abortion kung ang pagdadalang-tao ay maglalagay na sa panganib sa buhay ng nanay.
Kaugnay nito, nanghingi naman ng paglilinaw si Senador Joel Villanueva kung ang pahayag na ito ba ni De Guia ay personal lang niyang pananaw o kung ito ba ay sumasalamin sa posisyon ng buong CHR.
Ibinahagi naman ni Estrada na tinitiyak ng CHR na wala pa silang opisyal na posisyon tungkol sa abortion at sinisiguro rin ng komisyon na pinapahalagahan nila ang lahat ng buhay gaya ng itinatakda ng Saligang Batas ng Pilipinas.
Sa ngayon aniya ay pinag-aaralan pa ng CHR ang usapin ng abortion o ang pagde-decriminalize nito.
Kaugnay nito, nagmosyon si Estrada na ipagpaliban muna ang deliberasyon sa panukalang pondo ng CHR hangga’t wala silang opisyal na posisyon tungkol sa usapin.
Pinaliwanag ni Senate President Juan Miguel Zubiri na nais malaman ng senador ang paninindigan ng CHR sa isyu para malaman kung susuportahan nila o hindi ang budget ng komisyon. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion