Handa ang Philippine National Police (PNP) para sa posibleng epekto na dulot ng tatlong araw na tigil-pasada ng grupong PISTON sa Lunes, November 20.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Police Colonel Jean Fajardo, mayroon naman silang sapat na mga tauhan para umalalay sa mga motorista gayundin sa mga pasaherong maaabala dahil dito.
Gagamitin din ng PNP ang kanilang mga asset para tulungan ang mga maaapektuhan nito gaya ng pagbibigay ng libreng sakay.
Una rito, sinabi ng PISTON ang kanilang layunin ng tigil-pasada sa Lunes ay para tutulan ang itinakdang deadline para naman sa franchise consolidation application ng mga Public Utility Vehicle (PUV) sa December 31.
Bahagi na rin ito ayon a Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na pagsusulong ng modernisasyon sa sektor ng transportasyon.
Kasunod nito, naki-usap din si Fajardo sa mga magkakasa ng tigil pasada na huwag mamilit dahil ayaw din nilang humantong sa arestuhan ang kanilang paghahayag ng saloobin bilang bahagi naman ito ng demokratikong proseso. | ulat ni Jaymark Dagala